I. Talambuhay ng Di-Sikat na Tao.


Base sa mga totoong pangyayari ng taong di nyo naman kilala. Mga bagay na pinagninilay-nilayan nya habang bakasyon bago ang thesis nya, habang day-off nya, habang walang tao sa bahay, habang bored sya. Tara. Basa.

1. Ako lang ba o kapag nakakakita din kayo ng ibang tao, naiimagine nyo what if, ako o ikaw yung nasa lugar nila?

Hmm. Naalala ko nung minsan, galing akong training at sobrang uhaw na uhaw bilang athlete ako ng mga panahong iyon, umiinom ako ng softdrinks, biglang lumapit sakin ang isang bata “pulubi” well ayon sa suot nya, of course, stereotyping kaya nasabi kong palaboy sya sa daan. Anyway, sabi nya bigla sa akin,

“Ate, akin nalang yan.”

“Eh kakabili ko lang eh.” Sabi ko dahil sobrang dehydrated nako at wala na din akong pambili pa ng bago kung ibibigay ko yon.
“Sige na ate.”

Naawa ako, kaya binigay ko nalang, “Oh sige na nga. Sayo na to oh! Pag ikaw nagkapera bili moko kahit fishball lang ha.”

Dali-dali nyang kinuha ang softdrinks at tumakbo.

Syempre ako’y badtrip pero keri na, napatid na din uhaw ko kahit papano.
Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik yung bata at kinalabit ako, ang sabi nya,

“Oh!” habang hawak ang isang stick na may nakatusok na dalawang pirasong fishball.

Syempre napatigil ako. Naisip ko maliit na bagay ang piso sa akin at malaki naman ito sakanya. Pwedeng sakin, wala lang yon, pero sakanya pwedeng yun yung lahat ng meron nya. Sabi ko,
“Sige sayo na yan, nagbibiro lang naman ako.”

At umalis na ang bata.

Nakakatuwa talagang mag-isip ang mga bata. Walang halong pagkukunwari. May taong mabait, may taong nagbabait-baitan, may taong nagpapakabait, may taong sadyang binaon sa hukay ang posibilidad na maging mabait.
Ang totoo, walang kwentang maging mabait. Walang kwenta ito kapag hindi mo alam ang dahilan kung bakit ka nagpapakabait. Para suklian nya ang kabaitan mo? Napakababaw.

Ang totoo, naniniwala ako sa sinabi ni Confucius na likas na mabuti ang tao. Sana naman ay di sya confused nung sinabi nya to.

2. Bakit kaya may mga taong dumadating sa buhay natin na aalis lang din pala agad? Sana nga di nalang natin sila nakilala diba kasi aalis lang din pala sila, nahirapan pa tayo.

Sa tuwing maaalala ko to, napapaiyak ako dahil ngayon nauunawaan kona na may mga taong darating sa buhay mo, pwedeng makakasama mo sila ng matagal, pwedeng makakasama mo sila sa maikling panahon, matagal man o maikli, mababago ang buhay mo dahil lang sa kanilang pagdating.

Yung isang kaibigan ko naman tinanong nya ko ng,
“Bakit nasa huli ang pagsisisi?”

Sabi ko naman sa sarili ko, as if posibleng magsisi ng wala pang nangyayari diba? Syempre pilosopo ako.

“Ha? Oh go! Bakit?” Sabi ko.

“Parang sabi ni Lord sayo, ‘Oh yan ah, yan yung paraan mo, yung Akin naman ha!’”

Abaah, oo nga naman. May nasasabi palang matino tong taong to. Hehe. Ang totoo madalang ko lang talagang mapansin ang taong to. Tama naman sya, kaya lang naman tayo nasasaktan dahil sa mali nating desisyon. Ooops! Minsan masakit din ang tamang desisyon. Tama ang nabasa mo, sa papaanong paaran naman?

Oh well, eto, tama na maligo pag umaga, kaso dahil tinatamad ka, mahirap na tumayo ng maaga at maligo sa malamig na tubig. So ayun, masakit na tama. Haha. Walang kwenta. Alam kong namang nakarelate ka, at tama yang nasa isip mo, eventually naman ang masakit na pakiramdam dahil sa tamang desisyon ay mapapalitan ng kagalakan sa hinaharap. Maghintay ka, wag atat kaibigan.

3. Naisip nyo ba kung meron taong ayaw ng musika?

Wala naman kaso sakin kung meron, pero naisip ko lang kung posibleng meron. Bakit ko natanong? Naisip ko lang naman. At sa tingin ko meron, bakit ko naisip na meron? Hmm sadyang may mga taong di takot maiba, o mas maganda, di takot ipakitang iba sila. Wala namang problema kung lahat ng tao tingin weirdo ka, sabi nga ng isang writer hindi mo naman kailangan ang pagtanggap ng lahat ng tao, maski isang taong importante sayo nga lang na tanggap ka, solve ka na.

Bakit ko nasabi to, may mga tao akong hinahangaan, minsan nga nasasabi ko na parang perpekto na sila pero naisip ko, bakit may mga tao pa ding di sila feel. Ang ibig kong sabihin, maski na gumawa ka ng maraming tama, meron at meron ayaw sayo. Ang tawag sa kanila, insecure. Insecure sila dahil maganda sila pero mas maligaya ka naman. Yan ang buhay, di kailangan naiintindihan ka ng tao, ang importante naiintindihan mo ang sarili mo. Di kailangan na alam mong ikaw ang tama, ang importante ALAM MO KUNG ANO ANG TAMA.

Hindi naman natin pinagaawayan dito kung maganda ako o mas maganda ka, ang pinag-uusapan kung ano ang tunay na kagandahan.
Ngayon, anong point nung no. 3 na tanong sa taong ayaw ng musika?

Amm, cool maging iba, lalong lalo pang cool ang maging iba na alam mong tama ka.


Next time ko na ibibigay ang iba pang puntos na naisip kong sapalagay ko naman ay may kwenta at maaari nyong magamit sa buhay nyo, kung sa tingin nyo wala, aba’y patawad naman. Talagang kanya-kanya lang ang taste natin, may bitter, may sweet, may mapakla, may maasim. At kung wala kang ganang magbasa, try mong magsulat, nakakarelease ng stress ang bawat salitang mabibitawan mo. Laging mag-ingat sapagkat, may kapangyarihan ang bawat salita. Sapagkat sa pamamagitan ng Salita ay nilikha ng Panginoon ang sanlibutan. Kaya mag-ingat ka.

Sige, hanggang sa susunod na ma-bored ulit ko at mabored ka ulit, magkita tayo sa papel na to.


Mga salita.





Dang Lising

Comments

Popular Posts